Saturday, January 28, 2012

Hayop? Oo! Nakikita sa Pilipinas? DATI…


Image courtesy of Google Images

               
                Isa sa mga sikat na larong napapanood sa telebisyon ang Pinoy Henyo, na kung saan ay huhulaan ng isang manlalaro ang salitang naka-flash sa LED na nakakabit sa kanyang ulo. Magtatanong ang nauna sa kanyang kakampi ng iba’t-ibang katanungan o salitang aangkop o tutugma sa salitang pinapahulaan. Ang salita ay pwedeng pangngalan na sumisimbulo sa isang tao, bagay, lugar, o hayop. 'Oo', 'Hindi', at 'Pwede', lamang ang pwedeng isagot ng kasama sa tanong na bibitawan ng kanyang kakampi. 

                Marahil ay nagtataka kayo kung bakit ito ang napili kong titulo para sa lathalaing ito. Kung ating titignan sa isang mababaw na perspektibo, marahil ay wala itong saysay basahin o pakinggan. Ngunit kung titignan natin ito sa isang anggulo na kung saan ay pwede nating ihalintulad at ikonekta sa estado at kalagayan ng biodiversity dito sa Pilipinas, marahil ay makukuha ninyo ang ibig kong ipakahulugan sa titulong nakasaad sa itaas ng blog na ito.

Philippine Marine Biodiversity
Image courtesy of Google Images

                Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinakasaganang likas na yaman sa buong mundo. Magmula sa mga iba’t-ibang uri ng mga halaman at punong sadyang sa Pilipinas lamang matatagpuan (halintulad nalang ng Rafflesia), at mga hayop at insekto na endemic sa ating arkipelago (tulad ng Pilandok o Mouse-deer, Tamaraw, Pandaca Pygmaea, Pawikan, Butanding, Philippine Eagle, atbp.), ang Pilipinas ay natural na mayaman at maunlad pagdating sa usaping Biodiversity.

Image courtesy of Google Images

                Subalit gaya nga ng pahayag ng isang salawikain, walang permanente sa mundo. Ang lahat ng bagay ay nagbabago nauubosnaglalaho. Sa mga kagawiang ipinapakita at ginagawa natin sa kasalukuyan, tulad ng walang habas na pagmimina, pagpuputol ng mga puno, pag-ubos at pag-abuso sa mga buhay ng mga hayop at iba pang likas na yaman, ang sinasabi nating kasaganahan ng bansang Pilipinas sa likas na yaman ay maaring humantong na lamang sa isang matandang paniniwala. Na minsan ay nagkatotoo, ngunit sa bandang huli ay naging isa na lamang alamat.

                Ikaw, bilang isang mamamayang Pilipino, ano ang pwede mong gawin para sa kaligtasan ng ating likas na yaman? Sapat na ba ang blog na ito para maimulat ang iyong mga mata sa nakakarimarim na katotohanang maaaring maging isang bangungot sa kinabukasan ng ating bayan? Hindi ngayon ang tamang panahon para sa salawikaing “To see is to believe”! Huwag nang hantaying makita natin sa ating mga mata mismo ang malagim na epekto n gating kapabayaan sa kasalukuyan. Huwag nating hintaying isagot ang katagang “DATI” kung halimbawang isa sa mga nabanggit na nanganganib nang mawalang likas na yaman ang siyang pinahulaan sa atin sa larong Pinoy Henyo.

Image courtesy of Google Images
Kilos na tayo para sa ikaliligtas ng ating mga likas na yaman. Hindi bukas. Hindi sa susunod na taon. NGAYON.



By: Jaybee T. Domingo


5 comments:

  1. Matuto tayong mag preserba ng mga kayamanan sa mundong ito. huwag natin abusuhin kung ano meron tayo ngayon. matuto tayo kung pano tamang gamitin ang bawat biyaya na binigay ng Diyos sa atin lalo na ang kalikasan. Dahil ito rin ang pakikinabangan ng susunod na henerasyon.

    ReplyDelete
  2. Bilang mga rasyonal na nilalang meron tayong kapasidad na mag-isip at timbangin ang wasto sa hindi. Tayo ang may responsilibidad sa ating mundong tinitirhan. Dapat natin itong alagaan at wag abusuhin. Pagdating sa mga likas na yaman, kunin lamang ang kailangan at wag maging sakim. Matuto tayong palitan ang mga kinukuha sa kalikasan nang sa gayon ay hindi ito maubos. Tayo'y dapat maging responsable sa lahat ng ating gagawin.

    Huwag sana nating makalimutan at laging isapuso ang kasabihang "We are the stewards of God's creation".

    ReplyDelete
  3. Lahat ng bagay may katapusan ngunit hindi ibig sabihin nito ay wakasan na ang natitirang buhay na laan dito. Lahat tayo ay nilikha ng Diyos upang pangalagaan at tulungan ang isa't isa. Ang buhay, kapaligiran, hayop, halaman, mga likas na yaman ay kailangan nating alagaan at ipreserba. Sabi nga ng may-akda ng blog na ito, "Hindi Bukas. Hindi sa susunod na taon. NGAYON" Ngayon na ang tamang oras para kumilos at makiisa sa pagbabagong lahat naman tayo ang makikinabang. ALAGAAN. PAHALAGAHAN.

    ReplyDelete
  4. Sana ang lathalaing ito ay makatulong para maikintal sa ating mga isipan ang ating responsibilidad bilang tagapamahala at tagapangalaga ng likas na yaman na nilikha ng Diyos.
    - Jaybee Domingo

    ReplyDelete
  5. Unti unting nauubos ang likas na yaman ng Pilipinas dahil na rin sa kapabayaan ng mga tao. Hindi ko alam kung bakit hind mabigynag-halaga ng mga Pilipino ang mga bagay na ito. Sana dumating ang araw na mamulat ang kanilang mga mata at tumulong sa pag papanatili nito imbis na sa pagsira nito.

    ReplyDelete